Buwan ng Wikang Pambansa 2013: 30 Salin, 30 Buhay: Unang Araw (“Ang Pagkontrol sa Gobyerno” ni Antonio Gramsci)

Standard

BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2013

30 SALIN (TRANSLATION), 30 BUHAY

Unang Araw: Agosto 1                                

Ang Pagkontrol sa Gobyerno

(malayang salin ng excerpt mula sa “The conquest of the state[1]” ni Antonio Gramsci)

…Sa larangan ng pangkalahatang kapitalistang aktibidad, maging ang manggagawang kumikilos sa loob ng malayang kompetisyon ay isang mamamayan-indibidwal. Ngunit ang mga panimulang kondisyon ng “pakikibaka sa buhay” ay di pare-pareho sa lahat, sa iisang panahon: lamang na kaagad ang ang iilan sa lipunan dahil sa pribadong pag-aari, kaya hindi pantay ang simula ng lahat. Ang manggagawa’y laging nakahantad (exposed) sa mga peligrong nakamamatay: ang kanyang simpleng buhay, ang kanyang kultura, ang kanyang buhay at hinaharap ng kanyang pamilya’y apektado ng mararahas na bigwas ng pagkakaiba-iba sa pamilihan ng paggawa (labor market). Sinusubukan ng manggagawa na makatakas sa kompetisyon at indibidwalismo. Kung gayon, ang prinsipyo ng asosasyon at pagkakaisa ay nagiging mahalaga sa uring manggagawa, binabago ng mga ito ang pag-iisip at mga nakagawian ng mga manggagawa at mga magsasaka…

…Ang pagbuo sa gobyerno ng mga manggagawa ay hindi, samakatuwid, bunga ng aksyon ng isang nagmimilagro: ito mismo’y paglikha, proseso ng pag-unlad. Kailangan dito ang paghahanda sa larangan ng pag-oorganisa at propaganda. Kailangang bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang mga umiiral nang institusyon ng mga manggagawa, bumuo pa ng mga gayong institusyon sa mga komunidad, tiyakin na ang mga bumubuo sa mga ito’y mga komunistang may kamalayan sa rebolusyonaryong misyon na dapat itaguyod ng mga nasabing institusyon. Kung hindi ito mangyayari, ang lahat ng pagsisikap ng masang manggagawa ay hindi magtatagumpay sa paghadlang sa miserableng paglipat ng rebolusyon sa bagong parlamento ng mga huwad na alagad ng sining, mga taong puro salita lamang, at mga makasariling oportunista…

Si Antonio Gramsci (1891-1937) ay isang Italyanong Marxista na kasaping-tagapagtatag o “founding member” ng Partito Comunista d’Italia o Partido Komunista ng Italya, ang pinakamalakas na partido komunista sa buong Europa, labas pa sa Partido Komunista ng Unyong Sobyet, sa mga panahong iyon. Kasama ng libu-libo pang radikal, ikinulong siya ng pasistang gobyerno ng diktador na si Benito Mussolini. Namatay siya noong 1937 bunsod ng pagkakasakit na dulot ng pagkakabilanggo. Popular sa mga radikal ang kanyang mga sinulat habang nakabilanggo na kilala sa tawag na “Prison Notebooks.”

 

                                                                                              

 


[1]Salin sa Ingles ni Michael Carney na masisipat sa http://www.marxists.org/archive/gramsci/1919/07/conquest-state. Orihinal na artikulo mula sa L’Ordine Nuovo, 12 July 1919.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s