More Fun Nga Ba sa Pilipinas?: Turismo, Prusisyon ng Itim na Nazareno at si Totoong Happiness

Standard

Maraming Pilipinong elite at middle class ang tuwang-tuwa sa bagong slogan sa turismo ng Pilipinas na diumano’y “sinaliksik” pa ng isang prestihiyosong advertising firm para sa Department of Tourism (DOT).

“IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES” daw, sabi nila.

Mas masaya nga ba sa Pilipinas?

Kunsabagay, ang elite at middle class sa Pilipinas ay lagi namang masaya dahil wala silang problema sa pera di gaya ng mga mahihirap ng mamamayan ng bansa. Batay sa datos mula sa presentasyon ni G. Tomas Africa, former administrator ng National Statistics Office (NSO), na pinamagatang “Family Income Distribution in the Philippines, 1985-2009: Essentially the Same” halos di nagbabagong malawak na agwat o gap sa pagitan ng mga mahihirap at ng mga mayayaman sa Pilipinas gaya ng pinatutunayan ng income share ng upper 50% at bottom 50% ng populasyon mula pa noong dekada 60:

(Paunawa: Sariling likha ng mananaliksik ang talahanayan batay sa datos sa presentasyon ni G. Africa).

Hindi kataka-taka na tuwang-tuwa ang elite at middle class sa slogan na “IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES” dahil sa mga nakaraang dekada, kayang-kaya naman talaga nilang libutin ang mga lugar sa bansa na kakikitaan ng saya o “fun.” Sila lang naman kasi ang may sapat na pera at panahon na makapaglibot sa mga destinasyong karaniwa’y malayo sa kinalalagyan ng mga mahihirap (at kung nasa bakuran man ng mahihirap, karaniwan namang serbidor o alila ang mahihirap ng mga turista, sa halip na turista sa kanyang sariling bayan).

Hindi rin kataka-taka na ang mga gaya naming “kontrabida” na naiinis, nandidiri at kinikilabutan sa bagong slogan sa turismo ng Pilipinas ay tinatawag ng mga elite at middle class na “taksil sa bayan.” Dapat daw magkaisa ang lahat ng mga mamamayan para itaguyod ang turismo ng bansa. Para sa kanila, masaya na ang Pilipinas, masaya na ang aura ng bansa, basta masaya sila. Wala na silang pakialam kahit hindi namang masaya ang ibang Pilipino.

Totoo naman na marami talagang lugar sa Pilipinas na nagbibigay ng dobleng ligaya (“more fun”) sa mga turista. Totoo namang masarap magpakalunod sa tubig ng beach sa Boracay. Totoo namang masarap umakyat sa Banaue Rice Terraces. Totoo namang masayang maglibot sa mga dambuhalang mall ng Pilipinas. Totoo namang masayang maglakad-lakad sa Palawan. Totoo namang masarap mamasyal sa buong Pilipinas…pero totoo rin namang “can’t afford” o walang kakayahan ang maraming Pilipino na maging turista sa sarili nilang bayan. Ang hirap sa mga elite at middle class, akala nila ay sila lang ang mga anak ng Diyos. Akala nila, basta masaya sila ay okey na ang lahat. Paano naman ang ibang walang pera?

Paano ang mga ordinaryong manggagawa na hindi naman young urban professional (yuppie), hindi rin spoiled brat ng mga magulang na banker o stock broker, at wala ring kamag-anak sa mga matataas na pwesto sa gobyerno? Paano ang mga Pilipinong hindi makasali sa “fun” ng lokal na elite at middle class at ng mga dayuhan nilang kaibigan?

Siguro, bago tayo mag-isip ng magandang slogan sa turismo na makaaakit sa mga dayuhang turista, dapat munang tiyakin natin na ang bawat Pilipino ay may sapat na pagkain, disenteng trabaho, maaliwalas na tahanan, kumpletong edukasyon at iba pang mga pangunahing pangangailangan. Siguro, dapat nating sikapin na dumating muna ang panahon na bawat Pilipino, “can afford” nang maging turista sa sariling bayan bago natin ialok ang Pilipinas sa mga dayuhan.

Ang hirap sa mga elite at middle class sa Pilipinas, kuntento na sa “feel good mode” at “positivist mantra” sa gitna ng mga dambuhalang problema ng mayorya sa kanilang mga kababayan. As if naman na ang positive thinking per se ay magdudulot na ng instant progress sa lahat. Ayaw ng mga elite at middle class na itanghal o ipresenta ang totoong kalagayan ng Pilipinas bilang isang Third World country. Manang-mana sila sa isang first lady noon na para hindi makita ng mga foreign delegates sa isang international conference sa Maynila ang kalunus-lunos na itsura ng mga tagpi-tagping basurang tinatawag na “bahay” ng mga squatter, ay gumastos nang malaki para takpan ang mga nasabing “bahay.” Para sa elite at middle class, ang magandang mukha lang ng Pilipinas ang dapat makita ng mga dayuhan. Parang alikabok, parang basura ang mga mahihirap na ipinaiilalim sa karpeta (“swept under the rug”) ng magaganda at makukulay na slogan sa turismo.

Hindi maintindihan ng elite at middle class na hindi naman talaga “fun” ang buhay ng mga mahihirap sa Pilipinas.

Sa sobrang hirap ng buhay ng mga ordinaryong Pilipino, si Hesukristo, ang Itim na Nazareno na lang ang inaasahan nilang makapagliligtas sa kanila. Sa panahong walang ginawa kundi mag-isip ng slogan sa turismo ang gobyerno, bakit nga ba hindi aasa sa milagro ng Nazareno ang mga Pilipinong maysakit na walang perang pambayad sa mga ospital na karamiha’y pribado o semi-pribado na. Sa panahong napakahirap maghanap ng trabaho sa bansa dahil wala namang mga industriyang naitatayo ang gobyerno, bakit nga ba hindi mananalangin sa Itim na Nazareno ang mga Pilipino para magkaroon sila ng trabaho o kaya’y manalo sa lotto. Sa panahong wala namang totoong pakialam o “concern” ang mayorya ng elite at middle class sa kanilang kalagayan, bakit nga ba hindi aasa ang mga mahihirap na Pilipino sa pagmimilagro ng Itim na Nazareno na nangakong “ihahatid ang Mabuting Balita sa mga dukha…” (“proclaim the Good News to the Poor”). {Tingnan ang Isaiah 61:1 o Luke 4:18}

OO, it’s never been fun in the Philippines, para sa aming mga mahihirap. Dahil ayaw n’yo naman kaming tulungan, kay Señor Jesus Nazareno na lang kami aasa. Huwag kayong mag-alala, inspirasyon lang namin siya. Alam naming ang tunay na pagbabago ay hindi ipagkakaloob ng Maawaing Bathala, ng Diyos ng Kasaysayan sa mga taong hindi kumikilos para sarili nilang paglaya. Sabi nga ng mga nauna sa amin: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao  ang gawa.” Ang tunay na pagbabago ay magmumula sa aming mga kamay…kaming mga hindi ninyo isinasali sa “fun” ninyo…kaming lagi na lamang ninyong ineetse-pwera at kinakalimutan. Sana, tulungan n’yo na lang kaming likhain ang mundo  kung saan ang “fun” o “happiness” ay para sa lahat na.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s