Category Archives: Uncategorized

Buwan ng Wikang Pambansa 2013: 30 Salin, 30 Buhay: Unang Araw (“Ang Pagkontrol sa Gobyerno” ni Antonio Gramsci)

Standard

BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2013

30 SALIN (TRANSLATION), 30 BUHAY

Unang Araw: Agosto 1                                

Ang Pagkontrol sa Gobyerno

(malayang salin ng excerpt mula sa “The conquest of the state[1]” ni Antonio Gramsci)

…Sa larangan ng pangkalahatang kapitalistang aktibidad, maging ang manggagawang kumikilos sa loob ng malayang kompetisyon ay isang mamamayan-indibidwal. Ngunit ang mga panimulang kondisyon ng “pakikibaka sa buhay” ay di pare-pareho sa lahat, sa iisang panahon: lamang na kaagad ang ang iilan sa lipunan dahil sa pribadong pag-aari, kaya hindi pantay ang simula ng lahat. Ang manggagawa’y laging nakahantad (exposed) sa mga peligrong nakamamatay: ang kanyang simpleng buhay, ang kanyang kultura, ang kanyang buhay at hinaharap ng kanyang pamilya’y apektado ng mararahas na bigwas ng pagkakaiba-iba sa pamilihan ng paggawa (labor market). Sinusubukan ng manggagawa na makatakas sa kompetisyon at indibidwalismo. Kung gayon, ang prinsipyo ng asosasyon at pagkakaisa ay nagiging mahalaga sa uring manggagawa, binabago ng mga ito ang pag-iisip at mga nakagawian ng mga manggagawa at mga magsasaka…

…Ang pagbuo sa gobyerno ng mga manggagawa ay hindi, samakatuwid, bunga ng aksyon ng isang nagmimilagro: ito mismo’y paglikha, proseso ng pag-unlad. Kailangan dito ang paghahanda sa larangan ng pag-oorganisa at propaganda. Kailangang bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang mga umiiral nang institusyon ng mga manggagawa, bumuo pa ng mga gayong institusyon sa mga komunidad, tiyakin na ang mga bumubuo sa mga ito’y mga komunistang may kamalayan sa rebolusyonaryong misyon na dapat itaguyod ng mga nasabing institusyon. Kung hindi ito mangyayari, ang lahat ng pagsisikap ng masang manggagawa ay hindi magtatagumpay sa paghadlang sa miserableng paglipat ng rebolusyon sa bagong parlamento ng mga huwad na alagad ng sining, mga taong puro salita lamang, at mga makasariling oportunista…

Si Antonio Gramsci (1891-1937) ay isang Italyanong Marxista na kasaping-tagapagtatag o “founding member” ng Partito Comunista d’Italia o Partido Komunista ng Italya, ang pinakamalakas na partido komunista sa buong Europa, labas pa sa Partido Komunista ng Unyong Sobyet, sa mga panahong iyon. Kasama ng libu-libo pang radikal, ikinulong siya ng pasistang gobyerno ng diktador na si Benito Mussolini. Namatay siya noong 1937 bunsod ng pagkakasakit na dulot ng pagkakabilanggo. Popular sa mga radikal ang kanyang mga sinulat habang nakabilanggo na kilala sa tawag na “Prison Notebooks.”

 

                                                                                              

 


[1]Salin sa Ingles ni Michael Carney na masisipat sa http://www.marxists.org/archive/gramsci/1919/07/conquest-state. Orihinal na artikulo mula sa L’Ordine Nuovo, 12 July 1919.

200 likes and I’ll self-publish my first book (nandito ang excerpts)

Standard

(DOWNLOADABLE FILE SA IBABA)

ANG MABUTING BALITA AYON KAY SAN JUAN

David Michael M. San Juan

De La Salle University-Manila

(nireject ng isang publishing house ang librong ito; suplado naman ‘yung iba pang publishing house na nagsabing may line-up na sila nang ipupublish hanggang 2014! Sayang naman kung hindi agad mapupublish dahil baka sa 2014 ay gunaw na ang Pilipinas. Hahah. ANO SA TINGIN N’YO, iselfpublish ko na lang?)

INTRODUCTION

Bwiset!

‘Yan ang bukambibig natin sa bawat masamang balitang naririnig sa radyo, nababasa sa dyaryo’t internet o napapanood sa T.V. Financial crisis. Recession. Stock Market Collapse. Korapsyon. Pandaraya. Krimen. Demolisyon. Patayan. Kidnapping. Barilan. Pugutan. Malnourishment. Gutom. Prostitusyon. Extrajudicial killings. Dispersal ng rali. Kudeta. Gera. Bombahan etc. etc. Puro bad news! Sakit sa ulo di ba? May pag-asa pa kaya ang Pilipinas?

Marami ang suko na. Wala na raw pag-asa ang bansa. Malinaw na nailarawan ni Bob Ong ang sentimyento ng marami-raming Pinoy sa finale niya sa kanyang patok na aklat na Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino. “Samantala, wala pa ring malinaw na lunas para sa sakiting bansa. Walang pumapansin sa nag-aapoy nitong lagnat, at walang gustong magbigay ng gamot.”

Maganda ang laman ng libro n’yang ‘yun pero di ako bilib sa ending. Dahil d’yan, isinulat ko ang matagal nang laman ng utak ko. Corny man para sa iba, kung paano uunlad ang Pilipinas ang paksang laging lulutang-lutang sa kukote ko.

In veni remedium. Alam ko ang “lunas para sa sakiting bansa.” Maraming pumapansin “sa nag-aapoy nitong lagnat” pero hindi sila napapansin o sadyang di pinapansin ng mga nasa kapangyarihan, ng gobyerno, ng simbahan, ng paaralan, ng lipunan.

Isa ako sa mga KSP na “gustong magbigay ng gamot” sa sakit ng Pilipinas. Gusto ko nang kumain ng bubog at bumuga ng apoy kung pwede nga lang para pansinin n’yo ako. Pero mahirap gawin ‘yon kaya nagsulat na lang ako ng libro. Alam ko ang sakit natin. Alam ko ang pinanggalingan nito. Alam ko ang gamot. Natutuhan ko ‘yan sa pagbabasa-basa sa mga lumang libro na nasa tabi-tabi at suluk-sulok lang ng mga lumang library. Pinagsama-sama ko ang mga ideyang aking nabasa at ang aking mga sariling ideya kaya nabuo ang aklat na ito. Umaasa ako na sa tulong ng librong ito, maipakakalat natin at mapatutunayan din sa lahat na may pag-asa pa ang Pilipinas.

Kahit may worldwide recession, makaka-survive ang Pilipinas! Yes, Virginia, yes America et cetera et cetera. Uunlad pa ang Pilipinas. Paano? Magbasa tayo ng Good News. Basahin natin Ang Mabuting Balita Ayon kay San Juan na hawak mo na ngayon.

Hindi ito isang thesis, disertasyon o conference paper kaya conversational Filipino ang ginamit ko. Pinilit kong iakma ang pagsusulat sa paraan ng karaniwang pagsasalita ng mga kabataang nasa paaralan na pangunahing target market ng aklat na ito. In fact, sinubukan kong gayahin ang paraan ng paggamit ng lenggwahe ni Bob Ong (ewan kung nagtagumpay ako) dahil epektibo sa kabataan ‘yung paraan niya.

Walang footnotes pero may mga suggested websites at references para sa masipag magbasa. Happy reading!

10 CHAPTERS (and lots of SUBCHAPTERS)
CHAPTER 1: ANG PILIPINAS BAGO ANG “FILIPINAS”

CHAPTER 2: 300 TAON NG KRUS AT ESPADA

CHAPTER 3: PROPAGANDA, REPORMA AT REBOLUSYON

CHAPTER 4: PILIPINAS SA KUKO NG IMPERYALISTANG AGILA
CHAPTER 5: PANAHON NG HAPON HANGGANG PEKENG REPUBLIKA

CHAPTER 6: DIKTADURANG MARCOS

CHAPTER 7: PEKENG REPUBLIKA RELOADED

CHAPTER 8: DIKTADURANG MACAPAGAL-ARROYO

CHAPTER 9: PEKENG REPUBLIKA LEVEL-UP

CHAPTER 10: PILIPINAS BILANG SUPERPOWER SA 2012+

 

CHAPTER 1: ANG PILIPINAS BAGO ANG “FILIPINAS”

We’re Filthy RICH (Then)…

Golden Age of Asia

Bago ang Mga Kastila: BAWAL Ang Sugapa, BAWAL Ang Hacienda

Walang Korap, Walang Mahirap!

 

CHAPTER 2: 300 TAON NG KRUS AT ESPADA

….And Then Magellan Came

Art of Colonization: “Divide et Impera” (Divide and Rule)

Tatlong Daang Taong Kamangmangan = Tatlong Daang Taong Kahirapan

No Hablo Español  Porque Los Frailes No Nos Enseñó

Ang Orihinal na Mafia: Agaw-Lupa Gang

Encomienda naging Hacienda: Mafia 2.0

BUWIS-it talaga!

Graft and Corruption: Pamana ng Mga Kastila

Ang POLOng Di Mo Isusuot!

Nakatikim Ka Na Ba ng Lupit na Humahagupit? Part I

Bangus versus Chonggo: Ugat ng Bleaching Soap Mentality

Die Hard Part 1-200+

Ang Alamat ng Pinoy Elite

 

CHAPTER 3: PROPAGANDA, REPORMA AT REBOLUSYON

Propaganda Movement: Step One sa Rebolusyon

Si Andy Boni

Katipunan: Titis (Spark) ng Pambansang Rebolusyon

Mga Makabayang Sugarol at Magnanakaw

Ang Hudas, Ang Mga Tsismoso, At Ang Rebolusyon

The Empire Strikes Back Part I

Attack of the Clones Part I

Ang Unang “Kudeta”: Pamumuno ni Bonifacio, Inagaw ni Aguinaldo

Kamatayan ng Supremo sa Bundok Buntis

Pagsuko ni Aguinaldo: Pera-pera o Taktika?

Fellowship of the Revolution: Sa Pugad Baboy at Sa Buong Bansa

Si Captain America: Bagong Kalaban ni Pinoy Revo

¡Viva la independencia! ¡Viva la republica Filipina! ¡Viva el bloque elitista!
CHAPTER 4: PILIPINAS SA KUKO NG IMPERYALISTANG AGILA

Inonse ng Kano Part I: Mock Battle of Manila Bay

Inonse ng Kano Part II: Tatlong Dolyar = Presyo ng Bawat Pilipino

Lucky Name: Philippines; Unlucky Number: 333

American Imperialism: Tagapagmana ng Spanish Colonialism

The Shot That Launched a Million Bombs: Simula ng Philippine-American War

Pananakop sa Pilipinas: Utos Daw ng Diyos

Pilipinas: Orihinal na Vietnam, Afghanistan, Iraq at Libya

Concentration Camps: Imbensyon ng mga Kano

Pinoy Elite: God Knows Hudas Not Pay!

Never Say Die: Motto ng mg Pinoy sa Panahon ng Kano

Bayaning Barbero at Artista

The Empire Strikes Back Part II: Ang “Republika” ng Mga Bawal

Attack of the Clones Part II

Alamat ng Mga Pilipinong Komunista

Give Me Liberty or Else…

“Free” Trade: Free Hand ng USA sa Yaman ng Pilipinas

Greed in Any Name Smells Just The Same: Economic Colonialism/ Imperialism/Capitalism/FreeTrade/Free Market Economy/Laissez Faire Economics/Neoliberalism

Lupang Ninakaw ng Matatakaw

Apatnapung-taong Utuan: Ang Pagluluto ng Little Brown Americans

Sangkatutak na Hudas: Sabwatan ng Pinoy Elite at ni Captain America

Ang Alamat ng Trapo: Pulitika ng Pera (Plutocracy)

Ang Pinakamahabang Puppet Show sa Balat ng Lupa: More Than 100 Years And Counting

“When Nothing Seems Right, Turn Left”

Manuel Luis Quezon: Makabayan o Makadayuhan?

 

CHAPTER 5: PANAHON NG HAPON HANGGANG PEKENG REPUBLIKA

Panibagong Pampagulo: A New Empire Strikes (Japanese Occupation)

The Incredible Huk(balahap)

Reign of Terror: Blessing In Disguise sa Wikang Pambansa

Inonse ng Kano Part III (Post-World War II Philippines)

Some Are More Equal Than Others: America>Philippines (Parity Rights)

Master in Bullying Arts: Military Bases Agreement

Permanenteng Imahe ng Nasyon: Rebolusyon at Kontra-Rebolusyon

The Empire Strikes Back Part III: The End of HMB

Ang Alamat ng Aswang 

Tuluy-tuloy na Puppet Show

CIA versus Pilipino Muna

US, Mahilig sa Blackmail

Like Father, Like Daughter: Ang Unang Macapagal sa Palasyo

 

CHAPTER 6: DIKTADURANG MARCOS

Hitler ng Pilipinas, Pasok!

Krisis, Panggigipit at Bundok ng Utang sa Panahon ng Diktadura

Terorista at Kroning Kapitalista: Walang Pinag-iba

Krimen ng Mga Marcos Crony, Buking

Pera ng Gobyerno, Simot sa Panahon ni Marcos

Unexplained Wealth = Kurakot

Stayin’ Alive: Unofficial Theme Song ng Mga Komunista

The Empire Strikes Back Part V (Dictator Macoy)

 

CHAPTER 7: PEKENG REPUBLIKA RELOADED

Instant Bayani at Instant “Revolution”

A New Hope: Edsa I

Welcome Miss American Pie

“Plus ça change, plus c’est la même chose.”

General Ramos: Friend ni Captain America at ng Big Business

Victim Ang Tao (VAT)

Erap Para sa Mahirap: Mahirap Lalong Naghirap   

Pacquiao versus Captain America

Mga Permanenteng B(uw)isita

Huling “Sayaw” ni Erap: Cha-Cha

A New Hope: Edsa II

The Same Old Puppetry: From the Frying Pan to the Fire

Victim Ang Tao (VAT) Part II: Utos ng IMF

A New Hope Part III (Edsa III): Ramdam ang Kahirapan

Katakut-takot na Kurakot: Ang Pinakamahal na Kalsada sa Buong Mundo

Ang Tren na Di Matapus-tapos: 621,000,000 Dollars and Counting!

Fertilizer Para sa Mga Lugar na Sementado

 

CHAPTER 8: DIKTADURANG MACAPAGAL-ARROYO

Si Panday, Si Gloria, Si Garci at  si Mang Juan: Ang 2004 Elections

Harry Potter, Talo ng Mga Wizard sa Pilipinas: Magic Tricks sa Eleksyon

Banana Republic: Botohan sa Sagingan

Martial Law Part II

Gera sa Iraq, Rape sa Subic

Tuloy ang Ligaya ng Mga Dambuhalang Kapitalista sa Panahon ni Gloria

Cha-Cha: Paboritong Sayaw ng Mga Presidente

Paligsahan ng Mayayaman, Kamay ng Dayuhan, “Hocus-PCOS” atbp. Kwento sa Automated na Halalan

 

CHAPTER 9: PEKENG REPUBLIKA LEVEL-UP

Tuwid na Daan = Dating Daan: Ang PPP ni Noynoy

Prayoridad ng Pamahalaang Dilaw: UTANG na naman!

Ang Totoong Boss ni Noynoy: Mga Dambuhalang Negosyante

Noynoy at Gloria, Pareho Ang Perspektiba sa Ekonomya: Mga Hula sa 2012 and Beyond

Pangakong Napako: Lupa Para sa Magsasaka

Lagpas sa Pangakong Napako, Administrasyong Aquino May Potensyal…

Same Old Faces = Same Old Policies = Same Old Problems

 

CHAPTER 10: PILIPINAS BILANG SUPERPOWER SA 2012+

Mayaman ang Pilipinas: Potensyal Bilang Superpower

“People’s Republic of China”: Bagong Imperyalista?

Ang Pinakamalaking Kasinungalingan: Wala Raw Tayong Puhunan

Step TWO sa Kaunlaran: Adios IMF, World Bank

Ang Debt Trap Recipe ng IMF-World Bank: Ginisang Third World sa Sariling Mantika

Positibong Epekto ng Pagiging Balasubas

Nuclear Plant sa Paanan ng Bulkan    

Umalis Muna sa Ring, Mag-aral ng Boxing

Kauna-unahang Makabayang Kandidato sa Eleksyong Pampangulo  

ALTANGHAP: Tuloy Ang Laban ni FPJ                      

Mga Sikreto ng Panitikan, Magagamit sa Kaunlaran           

Farmers at Laborers bilang Managers at Business Owners: Kooperatiba versus Korporasyon

Education For National Development 

Trabaho at Kaunlaran Para sa Lahat: Obligasyon ng Gobyerno             

RH Bill: Bigas versus Condom

SSS, GSIS, PAG-IBIG FUND: Treasure Chest Para sa Industriyalisasyon        

Venezuela at Bolivia Bilang Modelo: Mula Rank 97 Tungong 95 o 75 o Mas Mataas Pa       

Privatization = Road to Perdition: Mula Pabaon Tungong Pasalubong

Unang Hakbang: Ipasa si ANDY BILL (Anti-Dynasty Bill)

Makabayang Cha-Cha: Partylist Style sa Senado, Kongreso at Palasyo

100 Taon ng “Kalayaan,” 100 Taon ng Kahirapan

Matinding Kahirapan sa Panahon ng Globalisasyon

Bato, Noodles, Prostitusyon at Surrogate Ulam: Kakaibang Sukatan ng Kahirapan

Pagdaralita sa Ika-21 Siglo: Resulta ng Isandaang Taon ng Kabiguan ng Kapitalistang Globalisasyon

Mula Kay Manuel Quezon hanggang kay Noynoy Aquino: Walang Pagbabago

Apatnapung Bilyunaryo sa Daigdig ng Mga Dukha

Krisis ng Kapitalistang Globalisasyon sa Daigdig: Tungo sa Post-Kapitalismo

Free-for-All na Boxing

Kapitalismo Bilang Krimen: Ang 2008 International Financial Crisis      

Case Study ng Kapitalistang Globalisasyon sa Pilipinas: Aliping Masunurin, Luging-lugi pa rin

Protesta Kontra-Globalisasyon sa First World

Tinig Mula sa Ibaba at Labas

Mula Kay Charice Pempengco Hanggang sa Mga Tagabalangkas ng Programang Sosyo-ekonomiko: Bansang “Unggoy”?

Foreign Investment: Hindi Totoong Nakakatulong

Kaisipang Rizalista: Makabayan, Anti-Kapitalista

Hidden Agenda ng Foreign Investment

Lagpas Pa sa K+12 at UbD (Understanding by Design): Puhunan sa Edukasyon, Kailangan

English: Hadlang sa Kaunlaran ng Bansa

Telebisyon: Mula Idiot Box Tungong Enlightenment Apparatus

Otro Mundo Es Posible: Tungo sa Isang Bagong International System

Multilateralism Para sa Sustainable Development

UN Security Council: Rich Nations’ Club

Ganito ang Bayan Noon, Ngayon at Hanggang Kailan Pa?

Si Christian, si Banisa At Ang Iba Pang Invisible Pinoy

 
BACK COVER

“BAN this book!” – CIA, IMF at World Bank

Non-fiction sequel sa Noli at Fili.” – Jose Rizal

“Sa wakas, ang mga ideya ko nasa Filipino na!” – Sen. Claro M. Recto

“Tuloy ang rebolusyon!” – Andres Bonifacio

“Democracy is the road to socialism. I told you so.” – Karl Marx

“Ganyan din ang plano namin noon bago dumating ang Amerika.” – Apolinario Mabini

“Kababayan ko ‘yan!” – Marcelo H. del Pilar

“WOW! Made in the Philippines!” – Juan de la Cruz

 

 

Mga Tanong at Sagot Tungkol sa Pananakop ng Tsina sa Bajo de Masinloc/Scarborough Shoal (2nd Edition)

Standard

(Simpleng lenggwahe ang ginamit sa artikulong ito para madaling maintindihan ng mayorya ng mga Pilipino.

(DOWNLOADABLE FILE SA ILALIM)


TANONG: KANINO BA ANG BAJO DE MASINLOC/SCARBOROUGH SHOAL?

SAGOT: Sa Pilipinas ang Bajo de Masinloc. Pilipinas ang may-ari ng Bajo de Masinloc.

TANONG: ANO ANG BATAYAN NG PAGMAMAY-ARI O OWNERSHIP NG PILIPINAS SA BAJO DE MASINLOC?

SAGOT: Panahon pa lamang ng mga Kastila, sakop na ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc. Noon pa man ay naaabot na ito ng mga mangingisdang Pilipino. Hanggang ngayon (bago magpadala ng malalaking barko ang Tsina) ay napupuntahan iyon ng mga mangingisdang Pilipino. Kapag tiningnan sa mapa, malinaw na mas malapit ang Bajo de Masinloc sa Pilipinas kaysa sa Tsina. Katunayan, sakop ng probinsya ng Zambales ang Bajo de Masinloc. Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), malinaw na ang Pilipinas ang nakakasakop sa Bajo de Masinloc.

TANONG: BAKIT INAANGKIN NG TSINA ANG BAJO DE MASINLOC NGAYON?

SAGOT: Dapat bigyang-diin na noong panahon ni Mao Tse Tung, mula noong itatag ang People’s Republic of China noong 1949, hindi naman inangkin ng Tsina ang Bajo de Masinloc. Hindi rin nila ito pinupuntahan noon. Inangkin lang at pinuntahan ng Tsina ang Bajo de Masinloc nang maging lantad na kapitalista na ang sistemang ekonomiko nila sa mga nakaraang taon. Dahil kapitalista na ang Tsina, kailangan nito ng mas maraming petrolyo na magagamit sa pagpapatakbo ng mga industriya. Sa ilalim ng kapitalismo, tubo o profit lang ang iniisip ng mga negosyante at mga nasa gobyerno. Dahil sa kagustuhang lalong magpayaman, sinisimulan na ng Tsina ang pag-angkin sa mga malalapit na pulo o teritoryo na posibleng may petrolyo. Bajo de Masinloc ang pangunahing target ng Tsina dahil alam ng gobyerno nila na mahina ang gobyerno ng Pilipinas at watak-watak din ang mga mamamayang Pilipino di gaya ng mga Vietnamese, Taiwanese at iba pang mga mamamayan sa paligid ng Tsina. Kumbaga, “easy target” ang teritoryo ng Pilipinas.

TANONG: MAY KARAPATAN BA ANG TSINA NA ANGKININ ANG BAJO DE MASINLOC?

SAGOT: Wala. Ngayon lang nila ito inangkin, at inaangkin nila ito sa pamamagitan ng paggamit ng pwersa (nagpadala na sila ng mga malalaking barko para takutin ang mga Pilipinong mangingisda na dati ay laging nagpupunta roon). Hindi nila pwedeng gamitin ang mga lumang mapa para angkinin ang Bajo de Masinloc dahil mula noong mawasak ang Chinese Empire sa pagsilang ng People’s Republic of China, nagwakas na rin ang validity ng mga lumang mapa na ginawa sa ilalim ng Chinese Empire. Hindi naman inangkin ng mga naunang pinuno ng People’s Republic of China ang Bajo de Masinloc noon. Samantala, mula pa noong panahon ng Kastila hanggang ngayong taon na magpadala ng mga barko ang Tsina sa Bajo de Masinloc, malinaw na inaangkin at pinupuntahan ito ng mga Pilipino. Gayundin, sa ilalim ng UNCLOS, ang Pilipinas talaga ang nakasasakop sa Bajo de Masinloc.

TANONG: KUNG WALANG KARAPATAN ANG TSINA SA BAJO DE MASINLOC, BAKIT SILA NANDOON?

SAGOT: Nandoon ang mga barko ng Tsina dahil malakas na bansa sila. Sa mundong ito, sa mas maraming pagkakataon, nananaig ang malalakas lalo na kapag hindi nagsasama-sama ang mga mahihina laban sa malalakas.

TANONG: MAGKAKAROON BA NG AKTWAL NA GERA?

SAGOT: Malaki ang posibilidad na hindi magkaroon ng totoong gera. Una, alam ng Tsina na kapag nagdeklara ito ng gera, maaalarma ang mga malalapit na bansa at mas malaki ang posibilidad na kumampi ang ibang bansa sa Pilipinas para matapatan ang lakas ng Tsina (dahil alam ng ibang bansa na kapag lumalakas nang lumakas ang Tsina, baka sila naman ang “isunod” nito). Pangalawa, hindi magdedeklara ng gera ang gobyerno ng Pilipinas. Alam ng gobyerno ng Pilipinas na pagpapakamatay o suicide iyon. Ikatlo, walang sapat na lakas ang Estados Unidos upang mang-udyok ng gera sa Timog Silangang Asya/Southeast Asia dahil abalang-abala ito sa Afghanistan, Iran at Syria. Gayundin, abalang-abala ang gobyerno ng Estados Unidos sa pagsugpo sa palakas nang palakas na kilusang anti-kapitalistang tinatawag na Occupy Wallstreet Movement (na naging Occupy All Street Movement na ayon sa ibang aktibista). Bagsak na bagsak ang ekonomya ng Estados Unidos kaya wala ito sa posisyon na mang-udyok ng gera. Tiyak na susulsulan ng Estados Unidos ang Pilipinas na gumastos ng malaki para sa pagbili ng armas at mga segundamano o second-hand na kagamitang pandigma sa mga Amerikano pero hindi gugustuhin ng Estados Unidos na magkaroon ng gera sa kasalukuyan sa Timog-Silangang Asya dahil marami pa itong pinagkakaabalahan sa ibang lugar (lalo na nga sa mismong bansa nila).  Uudyukan ng Estados Unidos ang mga opisyal ng militar sa Pilipinas at sa Tsina na gumastos ng malaki para sa pagbili ng armas at mga kagamitang pandigma dahil ang Estados Unidos ang pinakamalaking eksporter ng armas sa buong mundo.

TANONG: TUTULONG BA ANG ESTADOS UNIDOS SA PILIPINAS SA ISYUNG ITO?

SAGOT: Magpapanggap lang ang Estados Unidos na tumutulong o tutulong pero hindi maasahan ang anumang totoong tulong sa Estados Unidos. Tandaan na ang mayorya ng mga utang ng Amerika ay inutang sa Tsina: kapag bumagsak ang Tsina, bagsak din ang USA at vice-versa. Magkakabit ang interes ng Tsina at Estados Unidos kahit na nga sa mata ng publiko ay nagpapanggap silang magkaaway.

TANONG: PAANO MAIIWASAN ANG GERA?

SAGOT: Kailangang resolbahin ang problema sa paraang diplomatiko. Samakatwid, kailangang ihinto ang anumang aksyong militar. Halimbawa, dapat itigil ang Balikatan exercises sa pagitan ng mga militar ng Pilipinas at Estados Unidos. Dapat ding itigil ng gobyerno ng Pilipinas ang paghingi ng tulong sa Estados Unidos.

TANONG: ANO ANG DAPAT GAWIN UPANG MAPATUNAYAN NA HINDI TAYO TUTULUNGAN NG ESTADOS UNIDOS?

SAGOT: Dapat hilingin ng gobyerno ng Pilipinas sa United Nations (UN) Security Council na ikondena o tuligsain ang pananakop ng Tsina sa Bajo de Masinloc. Siyempre, tatahimik lang ang Estados Unidos (na miyembro ng UN Security Council). Mabubulgar sa buong mundo na walang pakialam ang Estados Unidos sa kapakanan ng mga Pilipino.

TANONG: PWEDE BANG IBOYCOTT ANG MGA PRODUKTO NG TSINA PARA HINDI NA NILA TAYO APIHIN?

SAGOT: Hindi. Walang silbi ang boycott. Hindi pa natin kayang iboycott ang mga produkto ng Tsina ngayon dahil wala naman tayong mga sariling industriya.

TANONG: PAANO MARERESOLBA ANG PROBLEMA SA PARAANG DIPLOMATIKO?

SAGOT: Kailangang ihapag sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) ang pananakop ng Tsina sa Bajo de Masinloc. Kahit ayaw pumayag ng Tsina, dapat irehistro ng Pilipinas sa ITLOS ang reklamo tungkol sa pananakop ng Tsina sa Bajo de Masinloc. Kasabay nito, kailangang mag-ingay ang mga Pilipino sa international community. Kailangang “magmakaawa” ang Pilipinas sa iba pang bansa, lalo na sa mga kapwa bansang Third World na suportahan ang Pilipinas at hikayatin ang Tsina na pumayag sa paglutas ng problema sa harap ng ITLOS. Kailangang ulit-ulitin ng Pilipinas ang pagbanggit na ITLOS lang ang legal na forum na pwedeng magdesisyon tungkol sa Bajo de Masinloc. Sa pamamagitan nito, malalantad sa mundo ang kawalan ng paggalang ng Tsina sa UNCLOS at sa mismong United Nations (dahil ayaw nga ng Tsina na makarating sa ITLOS ang problema). Sa bandang huli, makikita ng buong mundo na Pilipinas ang nasa panig ng katwiran/tama.

TANONG: PAANO MAPAPATIBAY ANG POSISYON NG PILIPINAS SA DIPLOMASYA?

SAGOT: Dapat hilingin o “ligawan” ng Pilipinas ang suporta ng mga mauunlad na bansang gaya ng Norway at mga umuunlad na bansang gaya ng Brazil at India laban sa pananakop ng Tsina. Dapat ipaunawa sa mga bansang ito na ang pagsuporta nila sa Pilipinas ay makatutulong upang mapigilan ang sobrang paglakas ng Tsina na maaaring makaapekto sa seguridad ng iba pang bansa. Ang Norway ay madaling hingan ng tulong dahil marami itong pera at ipinapakete ang sarili bilang isang makapangyarihang bansa sa diplomasya. Maganda ang record ng Norway sa pagtulong sa Pilipinas (hanggang ngayon ay tinutulungan nito ang gobyerno ng Pilipinas at ang mga rebeldeng komunista sa pagsasagawa ng peace talks). Samantala, ang Brazil at India (at mga katulad na bansa) ay magiging interesado sa Pilipinas dahil kailangan din nila ng mga karagdagang trading partner para masustain ang paglago ng kanilang ekonomya. Ispesyal ang India dahil tradisyunal na karibal ito ng Tsina sa Asya. Sa “panliligaw” sa mga makapangyarihang bansa, dapat tiyakin ng Pilipinas na hindi malulugi ang mga mamamayan ng Pilipinas sa anumang kompromiso o kasunduang papasukan.

Upang lalong mapalakas ang posisyon ng Pilipinas sa international community, dapat pangunahan at/o buhayin ng Pilipinas ang panawagan ng pagrereporma sa UN Security Council. Dapat ulit-ulitin ng Pilipinas ang demand na gawing demokratiko ang UN Security Council sa pamamagitan ng pagpapalawak sa membership nito upang dumami ang mga Third World countries na nandoon. Sa United Nations General Assembly, dapat ulit-ulitin ng kinatawan ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagpapalakas sa General Assembly bilang pinakamataas na policy-making at decision-making body ng United Nations habang nananawagan din ng demokratisasyon ng UN Security Council. Sa pamamagitan nito, ang mga bansang gaya ng Brazil at India na gustong magkaroon ng permanenteng pwesto sa Security Council ay tiyak na kakampi sa Pilipinas. Gayundin, tiyak na kakampi sa Pilipinas ang nakararaming bansang Third World na sawang-sawa na sa pangingibabaw ng mga mauunlad na bansa sa Europa at Amerika.

TANONG: ANO PA ANG PWEDENG GAWIN NG GOBYERNO NG PILIPINAS PARA MAKATULONG SA PAGRESOLBA NG PROBLEMA?

SAGOT: Kailangang pabilisin ang pakikipag-peace talks sa mga rebeldeng grupo para magkaroon ng totoong pagkakaisa ang mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagtatagumpay ng peace talks, magkakaroon ng oportunidad ang Pilipinas na magpatupad na ng mga repormang sosyo-ekonomiko na makapagpapalakas sa bansa. Katunayan, gusto ng mga rebeldeng grupo na pag-usapan na ang mga repormang sosyo-ekonomiko. Ang ibang rebeldeng grupo ay nagpahayag na rin ng kahandaan na makipag-alyansa sa gobyerno ng Pilipinas para ipagtanggol ang kalayaan ng bansa.

Dapat tandaan na hangga’t mahirap ang Pilipinas, lagi itong aapi-apihin ng malalakas na bansa. Sa pamamagitan ng peace talks, magkakaroon ng oportunidad ang Pilipinas na makamit ang pagkakaisa tungo sa mga repormang makapagpapaunlad ng bayan.

TANONG: ANO ANG PWEDENG GAWIN NG MGA SIMPLENG PILIPINO PARA MAKATULONG SA PAGRESOLBA NG PROBLEMA?

SAGOT: Itigil ang propagandang kontra-Instik. Huwag murahin o kaya’y lalong pagalitin ang mga Instik. Ipakita sa buong mundo na ang mga Pilipino, kahit inaapi ay palakaibigan pa rin. Kunin ang simpatya ng mga ordinaryong Instik. Tumulong sa paglalantad sa pagiging ganid o greedy ng mga pekeng komunista sa pekeng “Communist Party” of China. Tumulong sa paglalantad sa tunay na kulay ng gobyerno ng Tsina na nang-aapi na nga ng ibang bansa ay inaapi at pinagsasamantalahan din ang sariling mga mamamayan. Tumulong sa pagpapakalat ng balita hinggil sa korapsyon sa loob ng pekeng “Communist Party” of China. Bigyang-diin sa propaganda ang malaking agwat o gap ng mayayaman at mahirap sa Tsina. Mahinahong ipaliwanag sa mga kaibigang Instik ang panig ng Pilipinas. Ipaalala rin sa lahat na noon ay magkakaibigan ang Pilipino at Instik (bago pa dumating ang mga Kastila, nagkakalakalan na ang Pilipinas at Tsina). Bigyang-diin din ang pagpapahalaga ng Pilipinas sa mga pamanang kultural ng Tsina gaya ng pagkain, mga salita atbp.

TANONG: ANO ANG DAPAT GAWIN HABANG HINIHINTAY ANG RESULTA NG REKLAMO NG PILIPINAS SA ITLOS?

SAGOT: Huwag magpadala ng tropa sa Bajo de Masinloc. Ipakita na ayaw ng mga Pilipino sa gera. Dapat umarteng “aping-api” at kaawa-awa ang Pilipinas. Kumbaga, manatiling mahinahon at “isumbong” sa international community ang anumang gawin ng Tsina na nagpapatibay sa pagsakop nito sa Bajo de Masinloc. Paulit-ulit din na ipahayag sa ibang bansa na kapag pinabayaan nilang lumakas nang lumakas ng Tsina at agawin ang Bajo de Masinloc, sa susunod ay mga teritoryo naman nila ang isusunod nito. Paunlarin ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa (distribusyon ng lupa sa mga magsasaka), modernisasyon ng agrikultura, makabansang industriyalisasyon (pagbubuo at pagpapatibay ng mga industriyang Pilipino), pagpapahusay ng sistemang pang-edukasyon, pagdaragdag ng badyet sa kalusugan, at iba pang mahahalagang reporma na makatitiyak sa pagkakaroon ng malulusog at matatalinong Pilipino. Kailangan ding palakasin ang tinig ng ordinaryong tao sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapahina at pagwasak sa kapangyarihan ng elite. Masisimulan ito sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Anti-Dynasty Bill. Kung walang Anti-Dynasty Bill, walang magbabago sa sitwasyon ng gobyerno, kaya wala ring maipatutupad na reporma at di rin uunlad ang Pilipinas gaya ng nangyari sa nakalipas na 100 taon.

Kapag napaunlad ng Pilipinas ang sarili, awtomatikong igagalang na ito ng buong mundo at matatakot na ang alinmang bansa na sakupin ang alinmang teritoryo nito. Higit sa lahat, pag-aralan ang sosyalismo at makipag-ugnayan sa mga lokal at internasyunal na samahang sosyalista. Alalahanin na ang sosyalismo ay kasalungat ng kapitalismo, at ang kaaway ng Pilipinas sa isyung ito ay isang kapitalistang bansa: ang Tsina. Karugtong ng kapitalismo ang pananakop ng mga teritoryo at/o imposisyon ng impluwensya sa ekonomya, pulitika atbp. dahil ang pagkakamal ng tubo o profit ay nagiging mas madali at epektibo sa pamamagitan ng mga gawaing iyon. Samakatwid, hangga’t may kapitalismo sa daigdig, hangga’t may bansang kapitalista, laging magkakaroon ng bansang nang-aapi at inaapi, bansang nanakop at sinasakop. Hangga’t may kapitalismo at kapitalista, laging may magsasamantala at pagsasamantalahan. Kung gayon, kailangang alisin ang kapitalismo at palitan ito ng sosyalismo upang ganap na malutas ang mga suliranin ng daigdig. Tumulong sa pagpapatibay ng sosyalismo sa buong daigdig sapagkat sa isang sosyalistang daigdig lamang magkakaroon ng tunay na kaunlaran at kapayapaan para sa lahat ng mga mamamayan.

~~~

“Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mabuti! Huwag kayong umasa sa kanila, umasa kayo sa inyong sarili at kumilos!…pangalagaan ang sariling pag-iisip ng sambayanan…magsikhay kayo na maging isang bansa! Sa halip na maging utak-alipin, mag-isip kayo nang malaya…at malaon, kakamtin ninyo ang inyong kalayaan!”

- Simoun sa Kabanata 7 ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal

 

“Ang Mga Dakilang Lansanga’y Muling Mabubuksan”

Standard

Salin ko iyan ng pamagat ng huling talumpati ng sosyalistang presidente ng Chile na si Salvador Allende.
Sinuportahan ng mga manggagawa, magsasaka at mga propesyunal si Allende kaya siya’y nagwagi bilang kauna-unahang presidenteng Marxista/sosyalista na nahalal sa isang demokratikong eleksyon. Kinudeta ng CIA si Allende sa pamumuno ng berdugong heneral na si Augusto Pinochet. Binigkas ni Allende ang talumpating iyon sa Radio Magallanes habang binobomba ng mga nagkudeta ang Palasyo ng Pangulo. Iyon ang huling beses na narinig ng mga tao ang boses ni Allende.
Naalala kong bigla ang pamagat ng talumpati ni Allende kanina habang nasa gawing Mendiola ako (para mag-enrol, hindi para magrally, bagamat nililinaw kong may mga pagkakataong naroon din ako para magrally).
May rally ang Kilusang Mayo Uno, Anakpawis Partylist at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Isa sa pangunahing demand ng mga raliyista ang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa. Narito ang sarili kong kuha ng eksena.

(Kung pelikula lang ito, bubuksan ko ang gate at papapasukin ang mga BOSS ni Noynoy. BTW, habang kinukuhanan ko ito ng larawan, may isang batalyon ng riot police sa likod ko.)

Research Paper (199 pages) sa Philippine Normal University para sa Master of Arts in Teaching (MAT)

Standard

Noong 2010 ko pa ito natapos.

Ang format niyan ay parang thesis o dissertation din.

Alinsunod sa tradisyon sa Sweden at Netherlands, ibinabahagi ko ito nang libre sa buong mundo.

Sana’y makatulong ito sa mga mag-aaral, guro at mananaliksik ng/sa Filipino.

 

 

 

Boom!

Standard

Magandang araw!

Ako si David Michael M. San Juan.

Malinaw na ngayon kung bakit “Ang Mabuting Balita Ayon Kay San Juan” ang pamagat ng blog at kung bakit “parokyanisanjuan” ang pangalan ng site.

Walang rendang komentaryo ang ihahatid ko sa inyo. Ibig sabihin ng walang renda, walang preno, mabilis, walang habas, kahit sino ay sasagasaan para itanghal ang katotohanan.

Walang renda, dahil maraming dapat awayin.

Walang renda, dahil maraming dapat gisingin.

Walang renda, dahil maraming dapat gulatin.

Walang renda, dahil hindi naman tayo umunlad sa mahigit sansiglo na ng pagiging soft-spoken.

Hanggang sa muli…